Menu
Philippine Standard Time:
FOI
Transparency
DepEd Parañaque

FREQUENTLY ASKED QUESTIONS

PRIVATE SCHOOL RELATED MATTERS

  1. Maaari bang tanggapin at sertipikahan ang nawala o nasirang schoolrecord ng mag-aaral?

Sagot:  Oo, ito ay maaari. Ang aplikante ay dapat magbigay ng kahit alin sa sumusunod bilang basehan sa

pagsasaayos ng pang-akademikong schoolrecord.

  1. Kasumpaang pahayag ng sinumang dalawa (2) sa mga sumusunod: kamag-aral, punongguro o guro ng mga mag-aaral, kasama ang anumang litrato, souvenir, o program sa ginanap na pagtatapos;
  2. Sertipikong kopya ng Form 137 o Form 138 ng mag-aaral sa kahit saan mang tertiary learning institutions; o diploma/kopya ng mga dokumento mula sa kasalikuyan/nakaraang employer ng mag-aaral.
  1. Ano ang kailangang ipasa sa enrollment?

Sagot:  Birth Certificate mula sa Philippine Statistics Authority (PSA). Maaari ring tanggapin ang mula sa National Statistics Office (NSO). Kung sakaling walang PSA birth certificate, ang magulang/tagapag-alaga ay kinakailangang magbigay ng birth certificate (late registration) mula sa local civil registrar o barangay certificate na naglalaman ng pangunahing impormasyon ng mag-aaral tulag ng:

Pangalan ng bata (First Name, Middle Name, Last Name)

Pangalan ng Magulang

Petsa ng Kapanganakan

  1. Anong Birth Certificate ang hahanapin ng paaralan para sa enrolees, National Statistics Office (NSO) po ba o Philippine Statistics Authority (PSA)?

Sagot:  Kung ang mag-aaral ay isinilang bago Disyembre 29, 2013 ay NSO. Kapag December 29, 2013 onwards ay PSA.

  1. Maaari bang pagbayarin ng mga pampribadong paaralan ang ESC grantees nang sobra sa idineklarang kabuuang school fees sa ESC IMS?

Sagot:  Hindi pinahihintulutan ang mga private schools na maningil nang sobra. Sakaling magkaroon ng overcharging, dapat na ibalik ng paaralan ang sobrang ibinayad ng mga ESC grantees at may suspensiyon mula sa pag-iimbita at pagtanggap ng ESC grantees sa Grade 7 ng halos isang taon.

  1. Pinahihintulutan ba ang mga pribadong paaralan na hindi ibalik o matagalan ang reimbursement ng school fees na naunang binayaran ng ESC grantees matapos bayaran ng DepEd ang paaralan?

Sagot:  Hindi. Inaasahan na maibabalik ng paaralan ang paunang bayad ng ESC grantees sa loob ng 30 araw matapos matanggap ng DepEd ang kanilang resibo. Kung sakaling walang nagyaring reimbursement o tumagal pa ito sa 30 araw, kailangang ibalik ng paaralan ang naging bayad ng mga mag-aaral sa school fees at suspensiyon mula sa pag-iimbita at pangtanggap ng ESC grantees sa Grade 7 ng halos isang taon.

  1. Kailangan bang bayaran ng mga ESC transferring grantees ang mga unattended school years?

Sagot:  Hindi. Kung sakaling kailanganin ng mga ESC transferring grantees na bayaran ito, may pananagutan ang pribadong paaralan sa pamamagitan ng pagbawas sa kabuoang slot ng ESC Grade 7 depende sa bilang ng mga naapekuhang mag-aaral.

  1. Ano ang ibig sabihin ng accredited school?

Sagot:  Ang isang pribadong paaralan ay accredited school kung ang paaralan ay nabigyan ng DepEd Regional Director ng government permit or recognition na mag-offer ng basic education.

  1. Ang mga private schools ba ay kailangang magkaroon muna ng government permit or recognition bago mag-umpisa ng enrolment?

Sagot:  Oo, nasa mandato ng mga private schools na kumuha muna ng government permit or DepEd recognition bago tumanggap ng mga mag-aaral at bago mag-umpisa ang education operation.

  1. Ang private schools ba na may nakabinbing government permit application ay papayagang mag advertise at tumanggap ng mga enrolees?

Sagot:  Hindi papayagan ang mga private schools na mag advertise o tumanggap ng mga enrolees kung sila ay wala pang aprobadong government permit dahil ito ay labag sa batas.

  1. Ano ang epekto kung ang private school ay may government permit or DepEd recognition?

Sagot:  Ang private school na ito ay may karapatang magbigay sa kanyang mga mag-aaral ng certificate, title o diploma sa natapos na kurso.

  1. Ano ang epekto kung ang isang DepEd recognized private school ay lumipat ng lokasyon?

Sagot:  Ang government recognition ng isang private school na lumipat ng lokasyon ay mawawalan ng bisa.

  1. Maaari bang hindi ibigay ng mga pampribadong paaralan ang kredensiyal ng mga mag-aaral?

Sagot:  Oo. Maaaring hindi ibigay ng mga pampribadong paaralan ang kredensiyal ng mga mag-aaral kung ang dahilan ay suspensiyon, pagpapaalis, o hindi pagtupad sa financial liability at property accountability ng mag-aaral sa paaralan.

  1. Ano ang mangyayari sa mga pribadong paaralan na hindi magbibigay ng kredensiyal sa kanilang mag-aaral base sa iba pang dahilan maliban sa suspensiyon, pagpapaalis, o hindi pagtupad sa financial liability at property accountability ng mag-aaral sa paaralan?

Sagot:  Maaari silang sampahan ng kasong administratibo.

  1. Maari bang pigilan ng mga pribadong paaralan ang transfer credentials ng mga ESC grantees na nagnanais na lumipat ng ibang paaralan?

Sagot:  Hindi dapat pigilan ang school credentials ng mag-aaral.

  1. Ano ang LRN?

Sagot:  Ang Learner Reference Number (LRN) ay isang premanenteng 12-digit number na ipinagkakaloob sa isang mag-aaral habang kinukumpleto niya ang basic education program.

  1. Maaari bang magkaroon ng dalawang LRN ang mag-aaral?

Sagot:  Hindi. Isa lang ang LRN ng isang mag-aaral sa buong basic education program.

  1. Kung sakaling dalawang LRN ang naibigay sa mag-aaral, ano ang dapat gawin?

Sagot:  Makipag-ugnayan sa inyong gurong tagapayo (class adviser) upang malutas ang suliranin.

  1. Maaari bang magbigay ang mga pribadong paaralan ng sariling LRN sa kanilang mag-aaral?

Sagot:  Hindi. Tangi ang Database Management Unit Office ng Planning Service ng DepEd Central Office ang nagbibigay ng LRN sa mga mag-aaral sa pakikipag-ugnayan ng Paranaque Division Planning Office.

  1. Mayroon bang kailangang bayaran sa paghingi o paggarantiya ng LRN?

Sagot:  Wala. Nakasaad sa polisiya ng bansa ang pagbibigay ng edukasyon sa lahat sa pamamagitan ng paghahatid ng libre at kinakailangang edukasyon sa mga mag-aaral sa elementarya pati narin sa sekundarya.

  1. Paano kung walang profile ang mag-aaral sa Learner Information System habang enrolment?

Sagot:  Makipag-ugnayan ang magulang sa gurong tagapayo para masagutan nang maayos ang Basic Education Enrollment Form.

  1. Paano ko maililipat ang aking anak mula private school papunta sa public school kung hindi ko pa nakukuha agad ang kanyang card?

Sagot:  Pumunta sa pinakamalapit na public school at ipatala ang inyong anak at base sa DepEd Order No. 8, s. 2020 binibigyan ang magulang na maibigay ang kredensyal ng bata bago matapos ang Disyembre, 2020.

PUBLIC SCHOOL RELATED MATTERS

  1. Ano po ang gagamitin ng mga mag-aaral sa buong taon ng kanilang pag-aaral?

Sagot:  Ang atin pong mag-aaral ay gagamit ng SelF Learning Modules (SLMs). Printed po sa mga walang gadgets at digitized SLMs naman sa mga mag-aaral na may gadget at internet connection.

  1. Ano po ang magigiging bahagi ng mga magulang sa distance learning na ito?

Sagot:  Sa pagpapatupad po ng Distance Learning gamit ang Self Learning Modules (SLMs), ang mga magulang po ay magsisilbing Learning Facilitator o magiging katuwang ng guro sa paggabay sa pag-aaral ng kanilang mga anak.

  1. Kung kami ang parang guro sa aming mga anak, ano naman ang gagawin ng mga guro?

Sagot:  Sila pa rin po ang guro ng inyong mga anak at nakaantabay sa lahat ng panahon. Handa silang tumanggap at sagutin ang anumang katanungan tungkol sa modyul at gagabay sila sa mga mag-aaral sa pagwawasto ng sinagutang modyul at sa pagtatala ng progreso ng mga mag-aaral.

  1. Paano masusubaybayan ng mga guro ang pag-aaral ng mga bata kung wala namang face to face na nagaganap?

Sagot:  Ang bawat klase po ay mayroong FB Messenger Class Network. Dito po ay masusubaybayan ng guro ang pag-aaral ng inyong mga anak. Kung wala naman po kayong mga cellphone ay sa pamamagitan ng Feedback Form na kalakip ng modules ang magiging ugnayan ng guro at mag-aaral.

  1. Paano masusubaybayan ng mga guro ang ginagawang pag-aaral ng mga bata sa kani-kanilang bahay?

Sagot:  Susuriin ng mga guro lahat ng ibinalik na modules bawat linggo. Para naman sa mga gumagamit ng online instruction, gagamitin ng guro ang mga log-in data ng mag-aaral.

  1. Paano naming ituturo ang mga mahihirap na subjects gaya ng Calculus, Trigonometry, Physics, Chemistry at iba pa?

Sagot:  Gabay at suporta ang kailangang ibigay ng mga magulang at hindi mismo ang aralin. Ang mga guro po ang bahalang magproseso ng mga araling sakop at hindi po ang mga magulang.

  1. Paano kung may kapansanan o may special need ang aking anak?

Sagot:  Kayo po at ang guro ay magkakaroon ng pag-uusap pasa sa angkop na gawain ng maaaring ibigay sa inyong anak.

  1. Kinder palang ang aking anak. Paano siya matututo kung walang face to face learning?

Sagot:  Ang atin pong mga mag-aaral sa Kindergarten at Grade 1 ay may gagamiting learning tablet na may lamang mga video lessons at iba pang learning materials na angkop sa kanilang edad. Ang kanila pong mga guro ay lagi pong makikipag-ugnayan sa inyo upang lalong mapabuti ang pagkatuto ng inyong mga anak.

  1. Ang akin pong anak ay hindi pa gaanong marunong magbasa. Paano po siya matututo kung modyul ang gamit?

Sagot:  Kapag ang mag-aaral ay nahihirapan sa pag-unawa ng mga aralin, maaaring makipag-ugnayan ang magulang sa guro sa pamamagitan ng text, tawag o pagsulat sa guro upang kayo ay matulungan.

  1. Paano ang gagawing pagsubaybay ng mga guro sa aming mga anak?

Sagot:  Ang mga guro ay regular na makikipag-ugnayan sa inyong mga anak sa pamaamgitan ng FB Messenger, pagti-text o pagtawag.

  1. Ako po ay nagtatrabaho at walang maiiwan sa aking anak para masubaybayan ang kanyang pag-aaral gamit ang modyul. Paano po ito?

Sagot:  Kami po ay umaapela sa mga magulang na maglaan ng panahon sa kanilang mga anak. Kung talagang hindi maiwasan ay makiusap sa mga kamag-anak gaya nina tito, tita, lolo, lola o kahit sinong mapagkakatiwalaang makakatulong sa inyong anak.

  1. Maaari bang ako na ang sumagot sa modyul ng anak ko sakaling siya ay mahirapan?

Sagot:  Ang modyul ay dapat sagutan ng mag-aaral na may sapat na paggabay ng mga magulang.

 Nagtitiwala ang mga guro na kailanman ay hindi tuturuan ng mga magulang ang kanilang anak ng pandaraya.

Hayaan po nating matuto ang ating mga anak sa malinis na paraan.

  1. Kung may puna ako sa nilalaman ng modyul, kanino ako maaaring magtanong?

Sagot:  Maaari po kayong magtanong sa guro ng inyong anak sa pamamagitan ng text o tawag. Ang mga guro ay magbibigay ng kanilang mga contact number para madali ninyo silang matawagan o mai-text.

MODULES, DELIVERY OF INSTRUCTION, AND CURRICULUM CONCERNS

  1. Ano po ang gagawin kapag may mga nawawalang pahina sa Modules gaya ng Learning Plan, Feedback Form at iba pa?

Sagot:  Kung may mga ganitong problema ay agad po na makipag-ugnayan sa guro sa pamamagitan ng Text Messenger, FB Messenger, Videocal, Viber o tawagan ang guro para mabigyan kayo ng payo kung ano ang dapat gawin.

  1. Ano po ang dapat gawin kung may mga araling hindi ko maunawaan o may mga direksyon sa module na hindi malinaw?

Sagot:  Agad na makipag-ugnayan sa guro ng mag-aaral sa pamamagitan ng Text Messenger, FB Messenger, Videocall, Viber o tawagan ang guro para mabigyan kayo ng payo kung ano ang dapat.

  1. Paano po kapag hindi ko masunod ang iskedyul sa Learning Plan dahil may trabaho ako at tuwing linggo ko lamang magagabayan ang aking anak sa pag-aaral?

Sagot:  Ang importante ay matapos ng mag-aaral ang mga sasagutan sa bawat module at maisumite ang mga ito sa guro sa itinakdang petsa at oras subalit nais naming iparating sa inyo na napakahalaga ng role o gampanin ng magulang o guardian sa pag-aaral ng bawat mag-aaral kaya’t hinihikayat ang inyong suporta at tulong.

  1. Saan po isusulat ng mag-aaral ang kanyang sagot sa module?

Sagot:  Maaari po itong isulat sa anumang malinis na papel na mayroon kayo sa bahay gaya ng yellow pad, bond paper, intermediate pad o notebook. Lagyan lamang po ito ng kumpletong pangalan ng mag-aaral, baitang at seksyon, pangalan ng guro, petsa at pamagat ng module.

  1. Ano po ang pasadong iskor sa 5-item test? 10-item test?

Sagot:  Sa 5-item test, ang pasado ay 4 at 5, samantalang sa 10-item test ang pasado ay 8, 9 at 10.

  1. Kailan isusumite ng magulang/guardian ang sagot ng mag-aaral?

Sagot:  May nakatakdang petsa at oras na ibibigay ang mga guro tungkol sa pagsusumite ng sagot ng mag-aaral. Makipag-ugnayan lamang sa guro upang malaman ang mga ito.

  1. Ano po ang mangyayari kung hindi ko po maisumite ang sagot ng aking anak/ alaga sa itinakdang petsa at oras?

Sagot:  Kung sakali man na hindi ninyo maisumite ang sagot ng mag-aaral sa itinakdang petsa at oras ay makipag-ugnayan sa guro upang siya ay makapagbigay ng mungkahi o solusyon.

  1. Ano po ang dapat kong gawin kung sakaling hindi ko magabayan ang aking anak/alaga sa pag-aaral dahil ako mismo ay di nakapag-aral at di marunong bumasa at umunawa ng mga aralin?

Sagot:  Ang mga ganitong suliranin ay dapat maiparating agad sa guro lalo na sa primary grades ay may mga ginagawang Online Reading Class.

  1. Kung ang isusumite lamang ay sagot sa Likhain Natin at Tayain Natin, paano po yaong sagot sa Balik-Aral, Talakayan at Ilapat Natin?

Sagot:  Iwawasto pa rin po ang mga iyon ngunit kayo na ang gagawa nito. Ilalagay ng guro sa FB Group Chat ang sagot upang malaman ninyo ang tamang sagot

  1. Ano po yong Portfolio na sinasabing dapat isumite ng mga-aaral?

Sagot:  Ang PORTFOLIO ay isang koleksyon ng mga larawan o written output na isusumite ng mag-aaral sa guro. Ito yong mga pictures niya habang nasa bahay siya at nag-aaral p nagbabasa ng module. May kalakip din itong mga caption kung ano ang kanyang ginagawa.

  1. Ano po ang kahalagahan ng portfolio?

Sagot:  May dalawang (2) layunin ang portfolio. Una ay para masubaybayan ang pag-unlad ng mag-aaral sa kanyang pag-aaral kahit nasa bahay lamang siya gawa ng pandemya. Ikalawa ay para maiskoran siya sa kanyang performance bilang isang mag-aaral.

  1. Paano po isusumite ang portfolio?

Sagot:  Mayroong dalawang (2) paraan upang isumite ang portfolio. Una ay SOFT COPY. Kukunan ng larawan ang bata habang nag-aaral at sumasagot sa module. Ipadala ito sa guro sa pamamagitan ng FB Messenger, Ikalawa ay HARD COPY. Dalhin ang kanyang dyornal sa paaralan at ibigay sa punongguro o kawani ng paarlan para makuha ng guro. Lagyan lamang po ng kumpletong pangalan ng bata, baiting at seksyon, pangalan ng guro at petsa.

ASSESSMENT OF LEARNING OUTCOMES, SHS, SPED, AND HOMEROOM GUIDANCE PROGRAM

  1. May pagbabago po ba sa Grading System ngayong tayo ay nasa Distance Learning Modality?

Sagot:  Kasalukuyan po nating hinihintay ang paglabas ng panuntunan ng Grading System mula sa Kagawaran ng Edukasyon na angkop sa Distance Learning Delivery Modality.

  1. May mga Developmental Assessment Tools po ba na para sa Learners with Special Education Needs?

Sagot:  Mayroon po tayong mga Developmental Assessment Tools na nakatalaga sa bawat paaralan. Ito ay ia-administer ng SPED Teachers or Trained Teacher-Assessors.

  1. May Periodic Test at Summative Test po ba na magaganap kahit di Face to Face ang instruction?

Sagot:  Sa ngayon ay hinihintay po ang paglabas ng bagong DepEd Order na naaayon sa pagtatasa o assessment sa panahon ng tinatawag na “New Normal”.

  1. Magkakaroon po ba ng National Certificate (NC) Assessment mula sa Joint Delivery Voucher Program (JDVP) para sa mga SHS TVL Learners?

Sagot:  Hihintayin po natin ang guidelines ukol sa JDV Program. Sa ngayon ay nakatuon pa rin po tayo sa DO No. 19, s. 2019 (Guidelines on Grant of JDVP)

  1. Ano po ba ang Formative Assessment? Yung Summative Assessment na sinasabi ng DepEd?

Sagot:  Ang Formative at Summative Assessment ay mga tools o gabay na ginagamit ng mga guro upang masuri nila ang antas ng pang-unawa at pagsulong ng isang mag-aaral. Ang mga ito ay batayan din upang malaman kung ang mga mag-aaral ay ay nakinabang mula sa mga pamamaraan na ginagamit ng guro  sa pagtuturo.

  1. Paano po malalaman ang progress/ pag-unlad ng aking anak?

Sagot:  Ang ating mga guro ay magbibigay ng Learner/s Progress Monitoring Form sa mga magulang upang malaman ang progreso ng kanilang anak. Maaari itong ipahatid sa pamamagitan ng digital, email o paraan na nais ng magulang na naaayon sa petsa na itatakda ng paaralan.

  1. Ano po ang tinatawag na Individual Monitoring Plan?

Sagot:  Ang Individual Learning Monitoring Plan ay gagamitin ng guro para sa mga mag-aaral na kinakikitaan ng special na atensyon at higit na gabay ng guro. Maaari itong ipahatid sa pamamagitan ng digital, email o paraan na nais ng magulang na naaayon sa petsa na itatakda ng paaralan.

  1. Tuwing kailan dapat magbigay ang mag-aaral at magulang ng Feedback Form sa guro?

Sagot:  Ang Feedback Form ay ibabalik ng magulang at mag-aaral sa itinakdang petsa. Samantala, ang mga magulang ay maaaring magbigay ng kanilang Feedback anumang oras sa pamamagitan ng text, call or FB Messenger.

  1. May itinakda bang “SCREEN TIME” para sa mag-aaral sa panahon ng synchronous/ asynchronous online learning?

Sagot:

Ayon sa DM No. 162 s. 2020 (Suggested Strategies on DLDM) ang Screen Time Guidelines by Age ay:

 Kindergarten – Max. 1 hr./day

Grades 1 to 5 – Max. 1.5 hrs./day

Grades 6 to 8 – Max. 2 hrs./day

Grades 9 to 12 – Maximum of 4 hrs/day

(2 hours in the morning, 2 hours in the afternoon)

Maaari pong makipag-ugnayan sa inyong paaralan sa karagdagang information.

  1. Maaari po bang tanggapin ang bata ng di naka-remedial class sa next grade level/ next program?

Sagot:  Ayon sa DepEd Memo No. 51 s. 2020 ang mag-aaral ngayong taong panuruan 2020-2021 na di umabot sa 75 ang marka ay kinakailangang kumuha ng remedial/make-up class. Maaari po kayong makipag-ugnayan sa inyong paaralan ukol sa Remedial Sessions na kanilang gagawin.

  1. Maaari po bang mag enroll sa SHS ang mga mag-aaral na may naiwang subject sa Grade 10?

Sagot:  Ayon sa DepEd Order No. 8 s. 2015, ang mag-aaral na tatanggapin sa SHS program ay ganap na Grade 10 Completer. Ito ay nangangahulugang lahat ng asignatura mula Grades 7 to 10 ay kanyang naipasa.

  1. May SHS Voucher pa rin po ba ngayong taong panuruang 2020-2021?

Sagot:  Opo. Patuloy pa rin ang SHS Voucher Program na ibinibigay sa mga kwalipikadong Grade 10 Completers. Maaari   pong basahin ang DepEd Order No. 16 s. 2020 para sa karagdagang detalye ukol dito.

LEARNING RESOURCES, LEARNING SITES, LEARNING APPS, AND LEARNING PLATFORMS

  1. Paano maiko-konek ang mga gadget sa WIFI na proyekto ng lungsod para sa online learning?

Sagot:  Maaaring maka-connect sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa pamunuan, mga guro at ICT coordinator ng eskwelahan.

  1. Gaano kadalas ang online learning?

Sagot:  Maaaring makipag-ugnayan sa pamunuan at mga guro ng eskwelahan para sa tamang iskedyul.

  1. Kailangan ba talaga ang gadget sa pag-aaral?

Sagot:  Pwede namang makapagpatuloy ang mga bata sa pag-aaral kahit walang gadget, subalit ang mga gadget tulad ng Android phones ay magagamit para sa pakikipag-ugnayan nang mas mabilis sa kanilag mga guro. At ang laptops at tablets ay maaaring gamitin sa online at offline learning. Mayroon din tayong mapapanood ng Educational Video lessons sa DepEd TV sa IBX Channel 13 at Solar Learning TV channel.

  1. Saan makukuha ng magulang ang personal DepED e-mail ng kanilang mga anak?

Sagot:  Ang personal DepEd e-mail ng mag-aaral ay makukuha sa class adviser na mula sa ICT coordinator ng eskwelahan.

  1. Ano-ano ang gamit ng personal DepED Paranaque email ng mag-aaral?

Sagot:  Maaaring magamit ito ng mga mag-aaral upang makapasok  sa kanilang virtual classes, makapag-download ng digitized modules. At makapagpasa ng sagutang papel sa kanilang subject teacher online.

  1. Paano mare-recover ng mag-aaral ang personal DeED email kapag nakalimutan ang password?

Sagot:  Maaaring ma-recover ang account ng mag-aaral kapag nalimutan ang password sa pamamagitan ng koordinasyon ng mag-aaral o magulang sa adviser at school ICT coordinator.

  1. Paano mada-download ang digitized modules?

Sagot:  Maaaring ma-download ang digitized modules sa pamamagitan ng pagpunta sa link website at pag-register sa LR portal gamit ang iyong DepEd Paranaque account.

  1. Paano hanapin ang DepEd Paranaque LR Portal?

Sagot:  Mahahanap ang DepED Paranaque LR Portal sa pamamagitan ng pag-type sa link na ito sa iyong google browser

https://sites.google.com/depedparanaquecity.com/lrmdspque/learning-resources?authuser=0

Maaari ring makipag-ugnayan sa iyong adviser kapag nahihirapan sa pag-access sa site na ito.

  1. Saan maaaring makuha ang kopya ng digitized modules?

Sagot:  Maaaring makuha ang kopya ng digitized modules sa division LR portal via online sa pamamagitan ng pagda-download. Para naman sa offline copies maaari itong makuha sa pamamagitan ng paggamit ng storage devices gaya ng Universal Serial Bus (USB) o On-the-GO (OTG) sa subject teacher.

  1. Paano masasagutan ng mga bata ang mga gawain sa digitized modules?

Sagot:  Masasagutan ang mga gawain sa digitized modules sa pamamagitan ng paggamit ng sagutang papel o pag sagot gamit ang PDF reader.

  1. Paano ang pagsagot sa digitized modules gamit and PDF Reader?

Sagot:  Mag-download ng PDF Reader gamit ang Google browser. Gamitin ang PDF Reader para punan ng sagot ang digitized modules.

  1. Paano ipapasa ang mg nasagutan na Digitized Modules?

Sagot:  May dalawang paraan ng pagpapasa ng nasagutan na na modules. Una, maaaring kuhaan ng litrato ang sagutang papel at i-send sa subject teacher gamit ang private messenger o personal email. Pangalawa, maaaring i-send ang nasagutang modules gamit ang PDF Reader at i-send gamit din ang private messenger o personal e-mail.

  1. Ano-anong aprubadong online sites ang maaaring i-browse ng mag-aaral para sa kanilang karagdagang kagamitan sa pag-aaral?

Sagot:  Maaaring ma-access ang mga sites gaya ng TechnoKids T-Lib, DepED Paranaque Portal, FrontLearners, DepED Commons, at Reading and Writing Apps.

  1. Kung may sariling gadget ang Kinder at Grade 1, saan sila maaaring matutong magbasa at magsulat?

Sagot:  Ang mga APPS para matutong magbasa at magsulat ang mag-aaral ay pwedeng i-download mula sa DepED Paranaque Portal gamit ang DepED Paranaque account ng mag-aaral. Para naman sa offline copies maaaring makipag-ugnayan sa pamunuan ng eskwelahan para i-download via Share it o Bluetooth mula sa teacher o adviser?

  1. Ano-anong APPS ang kailangan i-install sa tablets?

Sagot:  Ang APPS gaya ng Google Chrome, Messenger, Kinder at Grade 1 Apps para sa pagbasa at pagsulat at Share It.

ONLINE INTERACTIONS AND PTA MATTERS

  1. Ano po ang ibig sabihin ng Online Interaction?

Sagot:  Ito po ay komunikasyon sa pagitan ng teachers, learners, parents at stakeholders gamit ang social media.

  1. Ano po ang ibig sabihin ng Social Media?

Sagot:  Ito po ay plataporma sa internet na may Apps at siyang gagamitin sa Online Interaction. Halimbawa ay Facebook o Instagram.

  1. Kailangan po ba naming samahan ang aming mga anak sa Online Interaction?

Sagot:  Opo. Kailangan niyo po silang samahan during Online Interaction.

  1. Paano po kung wala ako sa bahay dahil kailangan kong lumabas para magtrabaho?

Sagot:  Maaari niyo pong ibilin sa ate at kuya o kung sino pa na may sapat na gulang na kasama sa bahay na pwedeng gumabay sa kanila.

  1. Ano po ang pwedeng ipagawa ng mga guro sa aming mga anak kapag Online Interaction?

Sagot:  Tanging academic-related tasks lang po ang pwedeng ipagawa ng mga guro sa inyong mga anak.

  1. Ang mga guro po ba ay pwedeng mag one-on-one private messaging kasama ang aming anak?

Sagot:  Hindi po pwede. Maliban lang po kung:

  1. Magbigay ang guro ng hotlines ng mga pulis sa inyong anak kung kailangan niya ang tulong; at
  2. Kung mayroong child protection concern ang inyong anak. Pero kailangang kasama rin doon ang Guidance Counselor/Teacher.
  3. Ano-ano po ang magiging responsibilidad ng aking anak kapag Online Interaction?

Sagot:

  1. Ang inyong anak ay kailangan dumalo sa tamang oras;
  2. Kailangang respetuhin din nila ang kanilang mga guro;
  3. Irespeto rin nila ang kanilang mga kamag-aral;
  4. Kailangan huwag silang mag-online bully sa iba;
  5. Magsabi sa adviser or guidance counselor/teacher kung mayroon silang problema;
  6. Sundin ang mga turo at payo ng kanilang mga guro; at
  7. Mag-isip nang husto bago mag-click ng “post” or “share” buttons sa social media.
  8. Ano po ang gagawin ko kung ang anak ko ay nagsumbong sa akin na siya ay biktima ng online bullying?

Sagot:  I-report po ito agad sa teacher-adviser.

  1. Kailangan po ba ang aking pahintulot bago i-post sa social media ang larawan o video ng aking anak?

Sagot:  Opo. Kailangan ding ito ay mailagay sa KASULATAN. Hindi puwedeng verbal na pahintulot lamang.

  1. Kailangan po ba na gumawa ng sariling Social Media Account ang aking anak?

Sagot:  Puwede pong gumawa ng Social Media account ang inyong anak kung ang edad niya ay 13 pataas. Kung ang edad niya ay mas mababa sa 13, gamitin ang account niyo or kung sinong i-authorize niyo ang pwedeng gamitin para sa mga opisyal na school-based communication.

  1. Sino-sino po ang pwedeng mag-assist sa amin kung mayroon po kaming karagdagang tanong ukol dito sa SAFEGUARDING DURING ONLINE INTERACTION WITH LEARNERS?

Sagot:

A.1 School:

Teacher/Adviser:

Guidance Couselor/Teacher:

School Head; and

Any adult member of the School Child protection Committee:

A.2 Schools Division Office:

Ms. LEAH E. SUDSAKORN

Division Child protection Specialist

LEAH EBORDA-SUDSAKORN (FB Account)

0945.710.6547

Mr. HECTOR HUGH L. NGALES

Division Legal Coordinator

hectorngales@gmail.com

0953.1568.148

  1. Mayron po ba tayong bagong DepED Order or memorandum sa PTA Affairs?

Sagot:  Sa kasalukuyan, wala pa pong bagong Order or memorandum na binababa ang DepEd Central Offixe para sa PTA Concerns ngayong “new normal.”

  1. May nakalaan bang benepisyong pang-kalusugan sakaling magkasakit ng COVID-19 ang mga guro?

Sagot:  Ibabawas ang 14-day sick leave sa leave credits kung siya ay na-diagnose ng COVID-19 pagkatapos ng 14-day self-quarantine.

  1. Makakasiguro po ba kami nang pantay na pagtrato sa aming mga anak na nanggaling sa private school?

Sagot:  Ang DepEd Paranaque ay lubos na sumusunod at nagpapatupad ng mga alintuntunin sa Inclusive Education ng nakapaloob sa R.A 10533.

Ang Inclusive Education (DO No. 72, 2009) ay nakasentro sa pantay-pantay na pagtuturo anuman ang pinagmulan, kutura, paniniwala, at kakayahan sa buhay ng isang mag-aaral.

  1. Ano ang maaaring gawin kung hindi sumasagot sa text/tawag ang mga paaralan?

Sagot:  Maaaring tumawag sa Division Oplan Balik Eskwela Committee sa mga numero ng cellphone at email addresses na nakapaskil sa gate ng SDO Paranaque at sa DepEd Tayo Paranaque FB Page.

  1. Tatanggap ba ng late enrollees ang mga paaralan?

Sagot:  Opo. Tatanggapin ng mga paaralan ang mga late enrollees subalit ang estudyante ay dapat makabuo pa rin ng 80% na attendance sa itinakdang school days sa bawat school year at maaabot ang mga kinakailangang pamantayan upang pumasa sa bawat grade level.

  1. Tatanggap ba ang SDO Paranaque ng PEPT examinees galing sa ibang Division? Kailan po ang PEPT Test?

Sagot:  Opo, subalit mas mabuti na sa sariling SDO kumuha sapagkat may sariling code number ang bawat Division.

Dahil sa COVID-19 pandemic, ang 2020 PEPT ay gaganapin sa unang lingo ng Pebrero, 2021.

  1. Kailan magkakaroon ng Face to Face classroom interaction?

Sagot:  Ito ay gagawin alinsunod sa itatakda ng IATF for Emerging Infectious Diseases.

GENERAL CONCERNS

  1. Gaano kahanda ang SDO Paranaque para sa darating na pasukan?

Sagot: Base sa pinakahuling datos (September 25, 2020)

  • Self-Learning Materials
  • 45% na ng (Week 1-4 of Quarter) ang nailimbag
  • August 11, 2020 nagsimula na ang proseso para sa paggawa ng mga modules para sa ika-5 hangggang ika-7 linggo para sa elementarya at sekundarya.
  • September 23, 2020 inisyu ang Notice to proceed para sa nananalong bidder.
  • October 12, 2020 ay unang delivery ng modules sa SDO Paranaque

Base sa pinaka huling datos (September 25, 2020)

  • Teachers’ Training
  • 100% ng ating mga guro ay sumailalim sa mga training tungkol sa distance learning modalities
    • Online learning
  • Bagamat modular ang paraan ng pag-aaral dito sa Paranaque, ang mga paaralan ay may mga paghahanda na para sa unti-unting paggamit ng online learning.
    • Training/Orientation Para sa Magulang at Tagapag-alaga
  • 99,133 ang mga magulang at mga tagapag-alaga ang nabigyan ng orientation tungkol sa online learning.
    • Health and Safety Protocols

Mahigpit na ipinatutupad ng SDO Paranaque sa lahat ng paaralang pampubliko ang pagsunod sa mga alituntunin na ibinaba ng IATF at DOH tungkol sa pagpapanatili ng social distancing, paggamit ng alcohol, pagsusuot ng face mask at face shield, at iba pa.

1.6 Donate a Cellphone Drive – Sa pamamagitan ng Donate a Cellphone Drive ng SDO Paranaque, nakalikom ng kabuuang 924 gadgets, 291 dito ay smartphones, 616 tablets at ang iba ay 27 laptops. Ang mga nalikom na gadget ay ipapahiram sa mga estudyanteng higit na nangangailangan. Sa ngayon, patuloy ang mga pagpupulong, koordinasyon at pag-momonitor ng Division Office sa 44 nitong paaralan upang makasiguro na handang-handa ang lahat sa darating na pasukan.

  1. Ano ang suporta ng local na pamahalaan sa pag-aaral ng mga bata?

Sagot:  Ang local na pamahalaan ay nakapagbigay na ng 50% na laptops sa mga kaguruan. Ang mga mag-aaral naman mula Kindergarten at Grade 1 ay makatatanggap ng learning tablets. Mayroon ding Project ELO (Educational WIFI for Greater Learning Opportunities) kung saan tutustusan ng Local na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Olivarez ang internet connectivity sa buong lungsod ng Paranaque.

  1. Kailan naman po magbibigay ng tablets para sa ibang grado? Bakit 50% lang ang ibinigay? Paano naman ang natitirang 50%?

Sagot:  Ito ay ipo-programa at unti-unting ipamamahagi alinsunod sa laki ng SEF para sa mga learning tablets.

  1. Kumusta po ang proyekto para sa WIFI?

Sagot:  Ang project ELO ay pinaglalaanan ng malaking halaga upang matulungan ang mga mag-aaral. Ito ay ilulunsad sa Setyembre 30, 2020.

  1. Ano po ang mga suportang naibigay o ibinibigay ng ating dalawang (2) kongresista?

Sagot: Ang kanilang palagiang suporta at pag-agapay sa mga proyekto ng ating butihing mayor at ng DepEd ay napakalaking inspirasyon sa ating mga mag-aaral, magulang, at mga guro.

  1. May angkop bang pagsasanay na ibinibigay sa mga magulang upang maayos na maturuan ang bata?

Sagot:  Ang 44 na paaralan ay nagkaroon ng mga homeroom activities at video simulations upang magabayan ang mga magulang sa pagtuturo o paggabay sa kanilang mga anak. Ang video simulations ay isinagawa noong July 22-28, 2020 at patuloy na mapapanood sa FB Page ng bawat paaralan. Sabay-sabay na pinanood ang mga video simulations sa DepEd Paranaque FB Page, Paranaque City FB Page at sa lahat ng FB Pages ng mga paaralan.

  1. Paano makakaasa na ligtas ang aming mga anak sa online bullying?

Sagot: Magkaroon ng paggabay ang mga guro sa mga mag-aaral sa lahat ng paaralan upang lubos na maunawaan ang Regional Memorandum Order 238, s.2020, Safeguarding Standards during Online Interaction. Dito nakapaloob ang mga alituntunin kung ano ang angkop napag-uugali, gagamiting salita at mga dapat iwasan kung nasa online classroom.

  1. May mga pagsasanay bang ibinigay sa mga mag-aaral upang alam nila ang gagawin kung sakaling magkaroon ng prolema sa pag-upload ng mga modyul?

Sagot:  Buong-buo ang suportang ibinibigay ng DepEd Paranaque sa mga magulang, estudyante o mag-aaral.

July 17-28, 2020 – ipinamahagi ang DepEd Email accounts sa mga mag-aaral.

Sept. 7-9, 2020 – nagkaroon ng Hands-on Training para sa mga guro at mag-aaral sa paggamit ng Quipper.

Sept. 21-26, 2020 – Extended Video Tutorials para sa mga guro, mga magulang at mag-aaral kung paano mag-download ng mga modyul gamit ang Division LR Portal.

Sept. 30, 2020 – nagkaroon ng reorientation sa mga paaralan tungkol sa pagtuturo online.

  1. Ano-anong suporta sa IT ang naibigay na ng SDO Paranaque at mga paaralan upang magtagumpay ang pag-aaral ngayong panahon ng pandemya?

Sagot: Ilan sa maraming pagsasanay na nagawa na ay ang mga sumusunod:

September 10, 2020 – Orientation on TechnoKids Computer Curriculum for Schoolheads

September 14-18, 2020 – Training on Technology Integration in Teaching and Learning para sa mga      guro

September 1-11, 2020 – LAC: Coping with Technology in the New Normal. Ito ay dinaluhan ng mga guro na lubhang nangangailangan ng paggabay sa paggamit ng computer.

  1. Paano ang ating mga guro? May mga pagsasanay ba upang mapanatili ang kanilang mabuting kalusugan?

Sagot:  May mga webinars na inihanda ang DepEd Central Office, Regional office, at mga paaralan upang mapanatili ang kanilang maayos na pangangatawan at makapagturong mabuti; Nagkaroon din ng training para sa mga guro sa Kindergarten at Grade 1 tungkol sa paggamit ng digitized learning materials gamit ang learning tablets.

  1. May naihanda po bang webinar tungkol sa assessment para sa mga guro?

Sagot:  Kapag naibaba na ang DepEd Order tungkol sa assessment, agad na magkakaroon ng webinar upang ito ay maipaalam sa mga guro.

  1. Paano na ang work arrangement ng mga guro?

Sagot:  Maghihintay pa rin ng advisory mula sa DepEd Regional Office. Sa ilalim ng GCQ at MGCQ, ang senior citizens, buntis, at may karamdaman ay Work From Home (WFH). Magbago man ang ipaiiral na work arrangement, pananatilihin pa rin ang pagsunod sa mga safety standards sa mga eskwelahan at workplace.

  1. Anong suporta ang inaasahan sa mga punongguro sakaling hindi maiwasang pumunta sa paaralan ang mga guro?

Sagot:  Sa ilalim ng patakaran ng CSC, kailangang mabigyan ng PPEs at susunduin at ihahatid ng sasakyan ang mga empleyado at mga guro na gaganap ng tungkulin sa paaralan.

  1. May nakalaan bang benepisyong pang-kalusugan sakaling magkasakit ng COVID-19 ang mga guro?

Sagot:  Sasagutin po ng Philhealth ang hospitalization at expenses ng mga guro kung sila ay magkakasakit ng COVID-19. Ang 14-day sick leave ay hindi ibabawas sa leave credits kung ang empleyado ay diretsong pinag-self quarantine. Ibabawas ang 14-day sick leave credits kung siya ay na-diagnose ng COVID-19 pagkatapos ng 14-day quarantine. Kung liliban upang mag-alaga ng kapamilya ng COVID-19, ito naman ay ibabawas sa kanyang leave credits.

  1. Makakasiguro po ba kami nang pantay na pagtrato sa aming mga anak na nanggaling sa private school?

Sagot:  Ang DepEd Paranaque ay lubos na sumusunod at nagpapatupad ng mga alituntunin sa Inclusive Education na nakapaloob sa R.A. 10533.

Ang Inclusive Education (DO No.72, 2009) ay nakasentro sa pantay-pantay na pagtuturo anuman ang pinagmulan, kultura, paniniwala, at kakayahan sa buhay ng isang mag-aaral.

  1. Ano ang maaaring gawin kung hindi sumasagot sa text/tawag ang mga paaralan?

Sagot:  Maaaring tumawag sa Division Oplan Balik Eswkela Committee sa mga numero ng cellphone at email addresses na nakapaskil sa gate ng SDO Paranaque at sa DepEd Tayo Paranaque FB Page.

  1. Tatanggap ba ng late enrollees ang mga paaralan?

Sagot:  Opo. Tatanggapin ng mga paaralan ang mga late enrollees subalit ang estudyante ay dapat makabuo pa rin ng 80% na attendance sa itinakdang school days sa bawat school year at maaabot ang mga kinakailanngang pamantayan upang pumasa sa bawat grade level.

  1. Tatanggap ba ang SDO Paranaque ng PEPT examinees galing sa ibang Division? Kailan po ang PEPT?

Sagot:  Opo, subalit mas mabuti na sa sariling SDO kumuha sapagkat may sariling code number ang bawat Division. Dahil sa COVID-19 pandemic, ang 2020 PEPT ay gaganapin sa unang lingo ng Pebrero 2021.

  1. Kailan magkakaroon ng Face to Face classroom Interaction?

Sagot:  Ito ay gagawin alinsunod sa itatakda ng IATF for Emerging Infectious Diseases.

DEPED LINKS

CONNECT WITH US

SOCIAL MEDIA

OUR LOCATION